Sayaw ng maralitang tadhana
A short story by Peter F. Cantos
Biyernes, araw ng Quiapo. Isa na namang araw sa buhay ng isang ex-convict. Kakalaya lang ni Lito sa piitan wala pang limang araw ang nakakalipas. Nagsilbe siya sa loob ng dalawang taon dahil sa salang theft. Dalawang taon para sa pitaka na ang laman lamang ay tres siyentos. Medyo naninibago pa si Lito sa labas pero hindi niya maikakaila sa sarili ang galak na nararamdaman mula sa pagkakalayo sa impiyernong kaniyang pinanggalingan. Kahit na ngayon eh kaunti lang talaga ang layo niya mula dito.
Walang trabaho, walang pera.
- Sino nga namang gago ang magha-hire ng isang dating tulisan?
Bulong ni Lito sa sarili.
Sabik na sabik na si Lito makita si Carmen, ang kaniyang nililigawan dati. Mula kasi nung makulong siya sa Bilibid eh hindi na sila nagkita. Naisipan niyang dalawin ito sa pinagtatrabahuhan nitong tindahan ng cellphone sa may Raon. Nakilala ni Lito si Carmen nang minsang bentahan niya ito ng isa sa kaniyang mga na-iskor. Mula noon eh araw araw na niya itong dinadalaw at sinusuyo. Mula sa malayo eh natanaw na niya kagad si Carmen.
- Carmen! Kamusta ka na? Kilala mo pa ba ko? Ako 'to si Tolits.
- Lito? Nakalaya ka na pala?
- Oo, nung nakaraang lunes lang. Hindi mo man lang ako dinalaw sa loob.
- Hayaan mo't kalimutan na lang natin 'yun. Ako kinalimutan ko na eh. Alam mo naman ako matibay. Basta bagong buhay na ko ngayon, istreyt kung istreyt. Kamusta ka na ba?
- Alam mo Lito madami akung ginagawa ngayon eh, ni wala pa nga kaming buena mano. Pwede bang bukas na lang tayo mag-usap?
- Ah ganun ba? Sige sige sa dating lugar ba? Sa lumpiaan?
- Sige sunduin na lang kita dito.
Nagpaalam si Lito kay Carmen ng hindi man lang nasasabi na siya lang ang laman ng kaniyang utak sa nakalipas na dalawang taon. Madilim na dalawang taon.
Pauwi na si Lito sa kaniyang tinitirhan sa Pandacan ng makasalubong niya sa eskinita ang kaniyang kumpare mula kabataan na si Podeng.
- Pare, kamusta? Ano nakahanap ka na?
Bati sa kanya ni Podeng, sabay apir ng kamay.
- Ok lang dre. Wala pa din ngang raket eh.
Dating magkasama si Podeng at Lito sa pag-iskor ng kung anu-ano sa Divisoria hanggang sa isang araw eh nagdesisyon si Podeng na magpalakad na lang ng bato sakanila. Mas malaki daw ang kita.
- Sabi naman kasi sa'yo eh. Sakin ka na magtrabaho eh.
- Dre, istreyt na ko. 'Yoko na bumalik sa loob.
- Tangina sandaling prajek lang, ikaw din. Atlis araw araw may laman sikmura mo.
- Tangina kikitain ko diyan mauubos din sa bisyo eh, palagay mo ikaw. Ikaw din gumagamit ng suplay mo eh.
- Gago, magkakaroon ba ko ng mga ganito kung walang katas 'tung ginagawa ko.
Sigaw ni Podeng. Sabay pakita ng mga alahas na silber kay Lito.
- Putangina ayos 'yang kwintas Deng ha. Pa-eksperyens naman ako.
- Ulol mo gago, mahal 'to.
- Sige na may date kasi kami bukas ni Carmen, tanda mo pa siya diba?
- Ah yung pinagbebentahan natin dati? Ni hindi ka nga dinalaw noon sa loob eh. Tsaka tangina alam mo ba magkano iskor ko dito?
- Sige na parang hindi naman tayo magkakilala niyan eh. Babalik ko naman eh.
- Tangina ka, tres mil kuha ko dito pag 'to talaga.
Iiling-iling na sabi ni Podeng habang inaabot ang kaniyang silber na kwintas.
Sabado, palubog na ang araw at nagpapakita na ang anino ng Quiapo. Susunduin na ni Lito si Carmen para makipagusap. Suot suot ni Lito ang kwintas na pinahiram ni Podeng. Iniisip niya na baka sakaling masilaw si Carmen sa kwintas at magbago ang tingin nito sakaniya at sa kaniyang mga nagawa.
- Carmen, ano ready ka na ba?
- Oo, tapusin ko lang sandali 'tung imbentaryo.
Naglakad si Carmen at Lito sa madidilim na daan ng Quiapo. Pinagusapan nila kung ano nga ba talaga ang nagyari at higit sa lahat, kung ano pa ang mangyayari.
- Napatawad na naman kita Lito eh. Tanggap ko naman noon kung ano ka eh. Sana lang talaga hindi na maulit ang lahat.
- Salamat Carmen, salamat. Ikaw lang talaga iniisip ko nung mga panahon na nasa loob ako eh. Maniwala ka man sa hindi, ikaw ang naglabas sakin ng buhay doon.
Masaya si Lito. Masaya siya dahil nagkaayos na sila ni Carmen. Panatag na ang loob niya. Puno ng pangarap para sakanilang dalawa ni Carmen. Puno ng sigla para harapin ang bawat araw matapos ang gabing 'to.
Patulog na si Lito ng maalala niya ang kwintas ni Podeng.
- Putangina! Asan na yung kwintas!
Sigaw ni Podeng habang dali daling bangon sa kaniyang kama
Nawawala ang kwintas ni Podeng, hindi maalala ni Lito saan 'to napunta. Hindi na niya maalala na hinubad niya 'to. Marahil sa sobrang saya niya eh nakuha 'to sakanya sa Quiapo. Hindi malaman ni Lito kung anung gagawin niya.
Umaga na ng linggo nang lumabas si Lito sa kaniyang bahay para bumili ng yosi. Ayaw tumigil ng pagpapawis niya dahil sa mga nangyari. Hindi pa din siya nakakatulog hanggang ngayon. Natatakot siya na baka masira ang pagkakaibigan nila ni Podeng dahil sa kwintas na 'yon. Isa lang ang tumatakbong solusyon sa utak niya para sa problemang kinakaharap. Dating gawi.
Minarapat na muna niyang sabihin kay Carmen ang mga nangyari. Na nawala niya ang mamahaling kwintas ni Podeng at balak niya isauli 'to. Ngunit nilihim niya sa kung anung paraan.
Alas-dose ng hapon. Break time ng mga pulis. Bibihirang gumagala ang mga kabo sa ganitong oras. Tumambay si Lito sa gilid ng simbahan at ng underpass naghahanap ng biktima nang may natyempuhan siyang dalaga na may hawak na cellphone. Naisip niya na pwede niya ibenta yun at ibigay kay Podeng ang pera, pambawi man lang. Kung kulang edi i-iskor pa siya. Dahan dahan niyang sinundan ang walang kaalam alam na dalaga sa ilalim ng underpass. Humanap si Lito ng tiyempo para dukutan ang dalag.
- Kaunting bangga lang, madami namang tao.
Dumikit si Lito sa dalaga at binangga niya ito. Mabilis niyang nakuha ang cellphone ng dalaga mula sa bulsa nito. Dali dali siyang naglakad palayo, hindi lumilingon, nang bigla siyang nakarinig ng sigaw.
- Snatcher! Yung naka-brown snatcher!
Sumigaw ang dalagang kaniyang ninakawan. Sinubukan niyang tumakbo ngunit sa dami ng tao eh nahirapan siya. Palabas na siya ng underpass ng makita niyang may dalawang pulis na humahabol sakanya. Tumakbo at nagpasikut-sikot sa mga kalye ng Hidalgo si Lito. Ramdam na ramdam niya ang tibok ng kaniyang puso sa buong katawan. Bawat yabag ng paa eh lalong nagiging malabo ang itsura ng paligid niya. Isang maling liko ang nagdala sakanya sa isang dead-end.
- Sumuko ka na putangina ka. Pasalamat ka mataas pa araw kundi... putanginang 'to.
Sigaw ng isa sa mga pulis habang tutok ng kaniyang kwarenta'y singko kay Lito.
Madaming tumakbo sa isip ni Lito sa sandaling iyon. Ang pangako niya kay Carmen, ang pagkakaibigan nila ni Podeng, ang mga naranasan niya sa kulungan. At sa mismong sandaling 'yun eh nagdesisyon siya.
Tumakbo si Lito papunta sa isa sa mga pulis, nagdesisyon siya na hindi na siya babalik sa loob, na magsasama sila ng masaya ni Carmen, na...
Hiniwa ng putok ang tahimik na paligid, gulantang na nagliparan ang ilang mga ibong nakakalat. Tumama ang sinag ng panghapong araw sa pira-pirasong patak ng dugo na kumalat sa lupa.
Lunes, ika-isang linggo ng paglaya ni Lito. Umiiyak na lumabas si Carmen galing sa hospital nang makasalubong niya si Podeng.
- Ano nangyari?! Ano nangyari kay Lito?! Sabi sa amin napa-trobol daw siya.
Hinihigal na tanung ni Podeng.
- Wala na si Lito Podeng. Napatay siya ng mga pulis kahapon. Nagnakaw ulit si Lito. Hindi ako makapaniwala. Nangako siya. Pasensiya ka na pero mukhang hindi na niya maisasauli 'yung kwintas mo.
Umiiyak na salaysay ni Carmen.
- Wala akung pakielam sa putanginang kwintas na 'yun. Peke naman 'yun, halagang singkwenta pesos. Ano ginawa nila sa kaibigan ko?! Mga putangina sila!
Umalingawngaw ang galit na sigaw ni Podeng sa maralitang umaga.
Dedicated to Quiapo district, a very special place.