Sunday, January 9, 2011

Akyat man o baba, wala pa din siya magawa.

Kalakalan ng oras

A flash fiction by Peter F. Cantos

Masusuma sa dalawang salita ang aking buhay, up and down. ‘Yun lang ang halaga ko sa mga tao. Iba’t-ibang araw, iba’t-ibang pasahero. Minsan masikip, minsan maluwag, pero madalas mag-isa lang ako. Ito ang kwento na aking typical na araw, hindi tumitigil at palaging gumagalaw.

-Fuck, late na talaga ko.

Bulong ng isang pasahero habang tumitingin sa kaniyang relo.

Wala akong kapangyarihan piliin ang mga sasakay at magiging pasahero ko. Para naman sa kanila, wala ako dito. Parang wala akong mata’t tenga, parang hindi ako tao. Mula sa talukap ng aking mga mata hanggang sa dulo ng aking hinlalaki, ako’y inbisibol.

Dito sa aking trabaho, ako at ang mga pasahero ko lang ang gumagalaw. Hindi ang oras. Nilapag ko ang binabasang libro at nag-unat-unat, umingit ang inuupuan ko sa aking pagbangon. Ready na para sa susunod na maghapon.

- It’s because nambababae ka, karma ‘yan eh. Ang utak mo nasa babae mo kaya ka pumapalpak sa trabaho.

Sigaw ng isang pasahero sa kasama niya.

- Demandado ako Mary. Sympathy is what I need.

Mahinahon na sagot ng kaniyang kasama.

Nakakatuwa na sa pagpapanggap lang na wala kang naririnig, makakaalam ka ng sobrang daming lihim. Biyahe na ulit

- Bakit may pulis doon? Ano meron?

- May nag-suicide ata doon.

Usapan ng ilang pasahero.

Bigla kong naisip na maaring ako ang naghatid sa kanilang pinaguusapan. Nakakatuwa at nakakainis na maari din pala akong maghatid ng pasahero papunta sa kaniyang kamatayan.

Papatak na ang alas-diyes, matatapos na naman ang araw. Sabik na ko umuwi, sabik na ko magpahinga. Sabik na ko sa mga eksena na matutunghayan ko ulit bukas dito sa aking maliit na mundo.

- Isa na namang araw sa sobrang exciting na buhay ng isang elevator operator.

Bulong ko sa sarili.

- (Ding-dong)

No comments:

Post a Comment