Saturday, January 8, 2011

Tamis ng unang tikim.

by Joan L. Andres

Unang Tikim.

Tamis ng unang tikim,

Hinahanap-hanap, ‘di na makikita.

Ika’y walang kahambing,

Ang bangis at walang kasing tamis na unang tikim.

Uunahan na kita, hindi ito tungkol sa pelikulang Unang Tikim na ipinalabas noong 2006. Uunahan ulit kita, huwag mo na i-Google pa ang pelikulang iyon dahil baka panoorin mo pa. Baka hindi ka na bumalik sa pagbabasa nito kapag nagkataon. Hindi rin ito tungkol sa kanta ng Kamikazee, na ngayon ko lang nalaman, na ginamit kong intro sa sinusulat kong ito.

Nadali ka ano? Huwag ka magalala, ako rin.

Naaalala mo ba ang unang beses na nilanghap mo ang hangin sa mundo na binubuo ng 21% na oxygen at kung ano ano pa? Kung oo, ikaw na ang super human. Ako hindi, eh. Pero ayon sa mga nababasa ko, isa daw iyon sa pinakamasasayang sandali sa ating buhay. Unang indikasyon na tayo ay buhay. Unang pag-hinga, unang pag-iyak. Ang simula ng lahat. Ang pinakaunang tikim ng buhay na susundan pa nang sandamakmak na unang tikim. Sweet.

Nakatutuwang isipin ang halu-halong emosyon na dala ng mga unang beses sa ating buhay. Hinding-hindi ko malilimutan ang unang beses na nakatikim ako ng Pancit Canton. Oo, sa dinami-dami ng pagkain Pancit Canton pa talaga, ano? Hindi ako kumakain noon at wala akong balak kung hindi lang dahil sa yaya ng bestfriend ko. Pumunta ako sa bahay nila at nilutuan kami ng mabait niyang yaya ng Original Pancit Canton. ‘Yung Lucky Me. Hindi ko masabing hindi pa ako nakakatikim noon. 10 years old na ako at virgin pa ang aking bibig sa Pancit Canton. Hindi ba’t nakakatawa? Nangangapit-bahay na nga lang ako, magrereklamo pa ba ako? Minsan may mga ganoong sitwasyon na walang way out kaya tayo napapaunang tikim eh. So, ayun na, hawak ko na ang tinidor. Nandoon yung pakiramdan na anong lasa nito. Curiosity. Kadiri naman ito ang oily. Panlalait. Shit, baka masuka ako. (Hindi pa ako nagmumura noon, dinagdag ko lang para cute) Fear. Pwede ring, kaartehan. Ayoko talaga nito Oh Lord. Kaartehan ulit pwede ring rejection. Pero sinubo ko eh. Mauubos na kasi ng bestfriend ko, ako hindi pa. Ay @%*$&^$^#! Ang sarap! Nagulat ako sa sarap ng Pancit Canton. Dahil sa sobrang sarap, nagpaluto pa ulit kami. Anong tawag doon? Adik. Sabi ko sa sarili ko, at bakit sa 10 taon kong buhay, ngayon ko lang iyon natikman. Panghihinayang. At dahil sa sobrang sarap ng unang tikim, isa na sa mga paborito kong pagkain ang Pancit Canton. Maraming naidudulot at maraming naabot ang unang tikim. Aabot pa yan ng 1 milyong tikim, madalas, kulang pa.

Eh yun ay kung masarap. Eh paano kung hindi?

Unang tikim mo ng palo. Unang semplang mo sa bike. May mga unang tikim tayo sa buhay na hindi sweet eh. Masakit. Pero ‘yang mga unang tikim na ‘yan iyong hindi mo malilimutan habambuhay. Sila yung mga unang tikim na nagpatatag sa iyo. Unang tikim na nalaman mong nage-exist pala talaga ang pain sa mundo. Unang tikim na bibida sa buhay mo at maghuhulma ng pagkatao mo. (Yes, ang lalim.) Unang tikim na magpapaalala sa iyo kung gaano ka katatag. Tulad ng unang beses na sinabihan kang panget ng kaibigan mo. Oh, diba ang sarap. Unang tikim mo ng pagiwan ng isang taong malapit sa puso mo. Unang heartbreak. Unang malupit na iyak. Unang bagsak mo sa exam. Unang pahiya mo sa maraming tao. Unang beses na natae ka sa loob ng classroom. Hindi ba uso ‘yan noong mga bata tayo? Diba, unforgettable.

Hindi naman lahat ng una, masakit.

Mayroon din exciting. ‘Yung mararamdaman mo yung adrenaline rush. Naalala ko ang una kong sakay sa Log Jam sa Enchanted Kingdom. Nandoon iyong pakiramdaman na wala kang kaalam-alam sa pwedeng mangyari pero go ka lang ng go. ‘Yan ang isa sa pinakabest na unang tikim. ‘Yung kinakabahan ka kasi wala kang alam pero nandiyan ka na eh. Tapos ang sarap sa pakiramdam! Sarap parang Blueberry Cheesecake. O di kaya ang unang tikim ko ng college life. Galing akong all girls school kaya naman isang malaking challenge sa akin noon ang makibagay sa mga lalaki. Exciting. Sa unang tikim ko sa college nakita ko ang iba’t ibang klase ng tao. May maputi, may maitim kagaya ko, may maarte, may tahimik, may mayabang, may simpleng tao lang. Exciting kasi wala kang kaalam alam sa lasa ng matitikman mo. Pero go ka lang ng go.

Mayroon din sa buhay nating sinasabi natin sa sarili nating, sana hindi ko na lang sinimulan, sana hindi na lang ako tumikim. Mga unang tikim na ireregret mo. Hindi ko maalala ang unang tikim ko ng alak pero minsan sinasabi ko sa sarili kong sana hindi na lang ako masyadong naki-uso o naging masyadong curious sa lasa nito. Hindi naman ako alcoholic, occasional drinker ako pero minsan naiisip kong sana hindi ako tumikim nung araw na iyon. Marami rin akong naririnig na mga nagyoyosing gustong tumigil pero hindi magawa gawa. Pinagsisisihan na lamang nila ang unang beses na tumikim sila ng Malboro Lights. Marami rin akong napapanood sa feeling flat screen naming TV na mga taong nasira ang buhay dahil sa droga na halos isumpa ang unang beses na humithit sila.

Ganoon talaga.

Marami tayong mga unang tikim sa buhay. Mga unang tikim na gugustuhin mo pang ulit-ulitin dahil sa sarap. Mayroon din namang halos gumawa ka na ng time machine para lang makabalik sa panahong una kang tumikim. Kasalanan mo ‘yan. Dila mo ‘yan. Utak mo ‘yan. Ang masasabi ko lang, lahat tayo may first time sa buhay. Ikaw na lang bahala kung gusto mo pa ng second, third o hanggang sa dami ng buhok mo sa kilay. Kung masarap at mabuti ulit-ulitin mo pa. Kung exciting sige go, ingat lang. Kung masarap pero nakakasira ng utak sige go lang din, bahala ka. Marami talaga tayong magiging unang tikim sa buhay.

Ikaw gaano kadami na ang mga unang tikim mo sa buhay? Matamis din ba tulad ng akin?

No comments:

Post a Comment