by Naja B. Daria
Umaalog pa ang jeepney na nasakyan ko kanina, tila naluma na ang makina nito ng panahon at ng polusyon. Sa bawat andar nito ay maririnig mo ang hikahos, simbulo ng ilang beses na pagkasira na kadalasan sa talyer inaabot.
Sumakay ako sa dulong dulo katabi ng drayber. Mega-slanting position kasi ang upo ng mga katabi ko habang damang dama niya ang pagtingin sa bintana, wala akong choice.
Sa saglit na pagkaupo, hindi ko na namalayang lumilipad na pala ang aking diwa. Naalala ko ang kabataan ko. Oo nga pala’t isang pampaseherong jeep ang naging una naming sasakyan. Isang hari ng daan, bansag ng karamihan. Ito ang naghahatid sakin papunta at pabalik galing ng eskwelahan. Di mo aakalaing mura pa ang pamasahe noon. Dalawang piso lamang solve na - sadyang malayo na nga ang agwat ng panahon sa kung ano ang realidad ngayon.
Dito sa jeepney namulat ako. Sa jeepney nakakilala ako ng iba’t ibang uri ng tao, matanda, bata, may kaya o wala. Bawat indibidwal ay may balot na kuwentong kakaiba.
Beeeeep!
Sabay preno ng drayber. Bahagya akong napatigil sa pagmumuni-muni. Muntik na niyang mabangga ang taong grasa na biglang tumawid sa kalsada. Napakamot na lamang sa ulo ang drayber habang sinisigawan ang baliw na ngumingisi pa habang naglalakad.
Sa panahong iyon, doon ko lang napansin na dumami na pala ang mga pasahero. Sa bawat hila ng lubid na nakakonekta sa harapan katabi ng plakang God know Judas does not pay, ay may bumababa, at may sumasakay. Nagmasidmasid ako, nakinig, nakiramdam, nagbulaybulay at dito ako nagsimula na mainis, matawa, mahabag, magtanong, at humanga.
BINGI, BULAG, O SADYANG TAMAD
“Bayad po…... Bayad, pakiabot po. Bayad po… eto ang paulit ulit na sinasasabi ng ale habang sinu-super extend ang kamay at sinasabayan ng palakas na palakas na boses para marinig ng patay malisyang katabi niya. Napaisip ako. Bakit nga ba ganito ang ilan sa atin? Ano nga ba ang nakakapagod sa pag-abot ng napakagaang barya lamang? Sadyang bingi lang ba, bulag, nagtatanga-tangahan, o tamad lamang? Anya bay in. Aying Pukat.
ROMANSA SA JEEP
Tenen tenen tenenen….
Madalas akong makakita ng romansa sa jeep. Kasing laki ni Shrek yung lalake, Princess Fiona hindi oger version ang katawan pero oger face ang babae. Utang na loob ate girl walang aagaw ng boyfriend mo, irespeto mo naman ang sarili mo. Kailangan bang magkapalit na ang mukha niyo. Get a room. Hindi masamang maglambuchingan. Pero hindi na kasi maganda gets?
SIGE TAWA LANG
Siguro tamang trip lang ng mga estudyante na mag-ingay kung paminsan minsan habang papunta sa mall o bahay ng kaibigan. Ngunit may pagkakataon na nakakairita na. ‘Yung tipong nag-aaral ka o kaya naman natutulog ka tapos biglang may sabay-sabay na tatawa sa jeep. Oo masaya ‘to. Nasubukan ko na ‘to eh. Pero ‘ika nga nila. Lahat ng sobra, masama. Kaya tamang trip lang.
CUSTOMER’S SATISFACTION
Kung ang jeepney ay nagbibigay serbisyo pampubliko, hindi ba’t marapat na kahit papano maayos ito? Nakalimutan na ba natin ang terminong customer’s satisfaction?
Para po. MAMA TEKA LANG PO! TEKA LANG KASI BABA PA.
Di ko maintindihan bakit may iba na hindi ka pa nakakababa o nakakaupo eh aandar na. Pupuwesto pa manong. Wag atat painitin ang makina. Chill.
“Para po”.. Mahinahong hinila ng Lubid. Fudge. Di Gumagana. “Para”. Hindi narinig ng drayber. “Mama ano ba para daw!!!”
Ito ang isa pang bersyon ng para po. ‘Yung tipong baba ka na nga lang eh lalampas ka pa. Hay.
May iba naman na mala Fast and the Furious ang drama. Eh ano ngayon kung Patok ka? Madadagdagan ba ang pagkalalaki mo kung mabilis ka? Tatawa pa ang konduktor habang nagtitilian na ang mga pasahero na nagmamakaawang umayos siya. Biyaheng Cubao lang ho, hindi byaheng langit.
Hindi naman lahat ng natunghayan ko sa jeepney ay pangit, meron din naming magandang ala-ala ang pagsakay ko dito.
GENTLEMAN
Uso pa pala ang gentleman ngayon. Hanga ako sa mga laalaking umuusog at umaayos para lang makaupo ang mga babae ng maayos. Blame it on the drayber na ipinagpipilitan pang pagkasyahin kahit na hindi na talaga kaya. Sayang nga naman ang kita.
Hanga din ako sa mga Drayber na humihinto at hinihintay ang mga tao sa makasakay at makababa at sa mga drayber na hindi sugapa sa pagsingil sa pamasahe. Kaya kudos!
Papalapit na ako sa bahay. Marami na pala akong nakita at nadama.. Pero may mas malalim pa pala.
B: Tay bili mo naman ako ng pantalon. Sabi ng bata habang nagbibilang ng sukling iaabot.
A: Di ba dalawa yung sayo?, Wika ng ama
B: Oo. Kasi bitin na yung sa akin. Yung isa sira na yung ibaba. Katwiran ng bata.
A: Oo, sa Miyerkules, magbayad muna tayo ng kuryente bukas. Sumama ka muna sa akin bukas.
B: Lagi naming ganyan yung sinasabi mo eh. Sabay buntong hininga ng bata.
Pinagmamasdan ko ang mag-ama sa rear. Hindi maitatago ang lungkot ng batang lalaki na walang nagawa kundi tumahimik at magbilang ng sukli. Ngunit mas hindi maikukubli ang mata ng ama na napintahan ng lungkot habang pinagmamasdan ang anak na yamot. Pano nga ba maibibigay ng isang ama ang hiling ng kanyang anak, kung ang perang kinikita ay sapat lamang sa kanilang pang-araw araw? Bigla kong naalala ang mga karpentero, guro, sales personnel, tambay, estudyante na nakakasabay ko sa jeep. Bawat isa pala may bitbit na istorya.
Kalimitan sumasakay ako sa jeep para wala lang, para makauwi.
Sa usok, ingay, init.. kadalasan may nakakaimutan pala akong makita.
Ito ay isa lamang sa kwento ng bawat Pilipino.
At sana sa muling pagsakay mo sa jeepney, Makita mo kung ano ang nakita ko.
Ang Jeepney ay isang simbolismo ng dyornal. Hindi ito gagalaw kung wala ang tao. Ang kulay man nito ay maluma ng kalawang, dumi at ng panahon pero ang essensya nito ay tunay na tatagal, kahit ilan mang dapit hapon. Hitik ito sa katotohanan, buhay, realidad, na hindi maikukubli ninuman. Bawat destinasyon ay may kaakibat na storya, mapa-komedya, romansa, o drama. Ang mahalag lamang ay matutong makiramdam at magmamasid.
Sakay na. Sulat na.